
August 8, 2016
Sa pangunguna ni Ibaan MPS Chief Police Senior Inspector Ricaredo Datinguinoo Dalisay, arestado ang isang lalaki na kasama sa Drug Personality Target List sa isinagawang drug buy-bust-operation ng kanyang tanggapan noong August 3, 2016.
Kinilala ang suspek na si Russel Guerra Villarama, 40-taong gulang at residente ng Brgy. Palindan, Ibaan, Batangas na aktong nagbebenta ng shabu bandang alas singko y medya ng hapon (5:30pm).
Ayon kay PSI Dalisay, sa tulong ng kanilang “asset” na nagpanggap na kustomer na bibili ng shabu, dumating ang suspek sa napagkasunduang lugar kung saan magkakaroon ng bilihan ng shabu na naging daan sa agarang pagkaka-aresto kay Villarama.
Samantala, ayon naman kay Barangay Chairman Antonio Patena ng Brgy. Coliat, tumakbo umano sa check point ng pulisya ang suspek at sa kanyang nasasakupang barangay na lamang ito inabutan ng mga pulis.
Sa pisikal na pagsisiyasat, narekober kay Villarama ang inihanda at ginamit ng Ibaan MPS na isang pirasong “marked money” na nagkakahalaga ng P500.00 na may serial number na QU974547 at may markang “LAB”. Nakuha din kay Villarama ang isang sachet ng shabu, isang Non-Professional Driver’s License, isang disposable lighter, at ang gamit na sasakyan ng huli na Hyundai Starex Van na may plakang JCH 326.
Nagsilbing saksi sa nasabing operasyon sina Barangay Chairman Antonio T. Pateña ng Brgy. Coliat at Lito Rendor bilang media representative.
Dagdag pa ni PSI Dalisay, nauna nang sumuko at nanumpa sa kanyang tanggapan si Villarama kasama ang iba pang drug personality noong July 14, 2016 na magbabago na at hindi na muling magsasagawa ng anumang aktibidades na may kinalaman sa ipinagbabawal na droga. Subalit dahil sa kanyang pagkaka-aresto sa isinagawang drug buy-bust operation, tuluyan na siyang kakasuhan ng paglabag sa Section 5 at 11, Article II ng R.A. 9165 o mas kilala bilang Comprehensive Drugs Act of 2002.