
February 22, 2016
Related Articles:
Nakipagpulong kay Mayor Danny Toreja ang susunod na bagong beneficiaries ng programang Self Employment Assistance – Kaunlaran (SEA-K) mula sa Brgy. Tulay, February 22.
Kasama si G. Irene Torres, Hepe ng Municipal Social Welfare and Development, nagpasalamat sa Punong Bayan ang 12 miyembro nito.
Sa programa, mabibigyan ng tulong puhunan ang bawat isa para sa kanilang ninanais na simulang negosyo. Sa kabuuan, kainakailangan din nila itong maibalik sa loob ng isang taon ng walang anumang interest o anumang dagdag na kabayaran sa paggamit ng maipagkakaloob na puhunan.

Ganun pa man, sasailalim muna sa ilang pagsasanay ang lahat tulad ng tamang pamamahala at tamang pananalapi ng kanilang sisimulang negosyo bago pa man nila opisyal na matanggap ang tulong pinansyal.
Sa pagpupulong, ipinaliwag ni Mayor Danny Toreja ang obligasyon ng bawat isang benepisaryo. Ayon kay Mayor Toreja, dahil sa ito ay masasabing isang pahiram na puhunan, obligasyon ng bawat isa na maibalik ito sa DSWD sa pamamagitan ng Municipal Social Welfare and Development Office ng bayan ng Ibaan. Ito ay upang mapaikot at magamit din ang puhunan ng iba pa na nagnanais na magsimula din ng kanilang negosyo.
Sa parte naman ng Pamahalaang Bayan ng Ibaan, pananagutan nito sa DSWD ang puhunan na maipapahiram sa mga benepisaryo.
Nangako naman ang lahat ng gagawin ang kanilang mga obligasyon para sa patuloy na tagumpay ng programa para na rin mas marami pa ang matulungan at makinabang sa nasabing programa.