Pag-gunita Kay Ben Medrano

Ang artikulo ay orihinal na sinulat ng dating Batangas 2nd District Representative, Secretary ng Department of Justice at kasalukuyang Presidente ng University of Batangas na si Hernando “Nani” Perez. Nauna din na nailathala ang artikulo sa pahayagang Weekly FRONTPAGE (June 22 – June 28, 2015) sa kanyang column na “PEREZPECTIVE”.

bievenido medrano br ibaan batangas bangko kabayan ibaan rural bank tagaibaanako aron paul minas dennis toreja perez nani perez
Weekly FRONTPAGE Opinion Column PEREZPECTIVE

Sa artikulo, inalala at inilarawan nya ang makulay na buhay ni Ben Medrano bilang isang pulitiko, negosyante, at kaibigan. Sinasalamin nito ang kabutihang-loob ni “BR” na nag-alay ng kanyang galing at talino sa bansa, lalong higit sa kanyang bayan ng Ibaan, at kung paano siya naging bahagi ng pagkakatatag ng isang bayan sa Probinsya ng Batangas.

Bienvenido
Bienvenido “BR” Medrano: Dangal Ng Ibaan, Ama Ng Bangko Kabayan.

Narito ang kabuuan ng artikulo:

Noong nakaraang Sabado, June 20, 2015, ay ipinagdiwang ang ika-100 na taong anibersaryo ni Bienvenido “Ben” Medrano ng Ibaan, Batangas. Siya ay kilala ko bilang “Tio Ben” simula pa ng pagkabata ko. Mapalamuti ang kanyanbg kasaysayan. At kahit na napakataas ang pagkilala sa kanya noong kanyang kapanahunan ay hindi niya nakalimutan ang bayan ng Ibaa, Batangas. Sa maraming hindi nakakaalam ay ang Ibaan ay dating bahagi ng Batangas, Batangas na ngayon ay kinikilalang Batangas City.

Ang Ibaan ay kinilalang bayan ng mga Medrano, Reyes, Ilustre, Perez, Caringal, Mercado, Bago, Piñero, Macatangay, Rosal at marami pang mga kilalang apelyido ng Batangenyo. Kung nagtataka kayo kung bakit sa Batangas City ay marami rin ang may apelyido na katulad ng nabanggit ko ay sapagkat ang Ibaan ay dating bahagi ng Batangas City. Ang Brgy. Bungahan ng Ibaan at ang Brgy. Mahacot Silangan at kanluran ng Batangas City ay ilog ng Calumpang lamang ang pagitan.

Ang Tio Ben ay isang negosyante na kilala hindi lamang sa Batangas kundi sa buong Pilipinas na rin. Siya ang naging Pangulo ng Philippine Chamber of Commerce and Industry at naging miyembro ng Gabinete ni Pangulong Diosdado Macapagal bilang pinuno ng Kawanihan na katumbas ng ngayon ay tinatawag na NEDA (National Economic Development Authority).

Nagtayo ang Tio Ben ng habihan ng kulambo sa Ibaan. At dahil dito, ay kinilalang pangunahing gawaan ng kulambo ang Ibaan. Ang kulambo ay kumalat sa buong Pilipinas at maraming taga-Ibaan na yumaman sa iba’it ibang bayan ng Pilipinas dahil sa kulambo. Kung ang Cuenca ay kinikilalang pinagmulan ng magtitinapay sa buong Pilipinas, ang Ibaan naman ang “Kulambo Country” ng Pilipinas. “Bakit sa Ibaan itinayo ng Tio Ben ang gawaan ng kulambo? Bakit hindi sa mas progresibong Batangas City o Lipa City?”. Dahil matindi ang pagmamahal ng Tio Ben Medrano sa Ibaan.

Isa sa mga nanguna sa pagsalubong kay Pres. Diosdado Macapagal (nasa gitna, naka-sumbrero)  si Ben Medrano (nasa kanan ni Macapagal) noong 1962 sa Lipa City. Nasa unahan na kanang bahagi ng larawan ang dating Punong Bayang ng Ibaan na si Pedro Reyes.
Isa sa mga nanguna sa pagsalubong kay Pres. Diosdado Macapagal (nasa gitna, naka-sumbrero) si Ben Medrano (nasa kanan ni Macapagal) noong 1962 sa Lipa City. Nasa unahan na kanang bahagi ng larawan ang dating Punong Bayang ng Ibaan na si Pedro Reyes.

Isa sa mga nagtayo ng Far East Bank and Trust Company (ngayon ay bahagi na ito Bank Of The Philippine Islands or BPI) ang Tio Ben, subalit hindi siya nagtagal sa bangkong ito. At ang ginawa niya ay nagpundar siya ng bangko sa Ibaan na kinilalang Ibaan Rural Bank upang makatulong sa mga small and medium industries at mga negosyante ng Ibaan. Noong marami na ang umuutang sa Ibaan Rural Bank na pinayagan ng Tio Ben na hindi magbayad ng utang dahil sa naaawa siya, sinabi niya sa akin na “mabuti pa ay ilipat ko na ang management ng bangko sa iba upang umunlad ito”.

Ang ginawa ng Tio Ben ay inilipat ang pamamahala ng Ibaan Rural Bank sa kanyang manugang na si Atty. Francis Ganzon na asawa ng kanyang anak na si Tess Medrano. Sabi daw niya kay Francis at huwag pautangin ang mga hindi marunong magbayad kahit siya ang mag-utos. Hindi nagkamali ang Tio Ben dahil napalago ng mag-asawang Francis at Tess ang bangkong ito, at buhat sa tinatawag na Ibaan Rural Bank ay ngayon at kinikilala itong Bangko Kabayan na marami nang sangay o branches.

Ang dating Ibaan Rural Bank na mas kilala sa kasalukuyan bilang BANGKO KABAYAN.
Ang dating Ibaan Rural Bank na mas kilala sa kasalukuyan bilang BANGKO KABAYAN.

Bilang kasapi ng Liberal Party noong kapanahunan ng Nacionalista Party ay pinalalaban siya kay Gov. Feliciano Leviste. Dalawang beses niyang nilabanan si Sanoy Leviste noong kasikatan ni Gov. Leviste subalit sawing-palad ang Tio Ben at hindi siya nagwagi.

Sa bayan ng Bauan, palaging panalo ang Tio Ben at ikinagalit ito ni Gov. Leviste. Tinawag ni Gov. Leviste na mga “musang” ang mga taga-Bauan. Ang ginawa ni Gov. Sanoy Leviste ay nilakad niya sa Congress na hatiin ang Bauan at ihiwalay ang mga barangay kung saan siya nanalo sa mga barangay kung saan ang Tio Ben Medrano ang nanalo. Ang mga barangay na inihiwalay ay tinawag na bayan ng San Pascual, at ang mga barangay kung saan nanalo ang Tio Ben ay nanatili sa Bauan. Kaya masasabi natin na kung wala ang Tio Ben Medrano ay hindi mapapahiwalay ang San Pascual sa Bauan.

Noong 1980 ay nagbuo ang pamilyang Laurel ng panlaban kay J. Antonio Leviste na siya noong Gobernador ng Batangas dahil sa ang halal na Gobernador na si Tony Carpio ay namatay, kaya si Antonio Leviste bilang Bise Gobernador ang naging Gobernador. Inabutan ng Martial Law na si Toni Leviste ang Gobernador at dahil sa kapanalig ni Marcos si Leviste, ay matagal siyang naging Gobernador ng Batangas. Kami ng Tio Ben ay sinamang kandidato bilang Bokal at si Joey Laurel naman ang kandidatong Gobernador.

Sa larawan, masayang nakikipagusap si Bienvenido Medrano (sa gitna, black and white) kay Pedro Reyes (bandang unahan ni Medrano) na nagsilbi din bilang Punong Bayan ng Ibaan.
Sa larawan, masayang nakikipagusap si Bienvenido Medrano (sa gitna, black and white) kay Pedro Reyes (bandang unahan ni Medrano) na nagsilbi din bilang Punong Bayan ng Ibaan.

Mahirap noon ang maging kandidato laban sa mga bata ni Marcos dahil may Martial Law pa noon. 27 na araw lamang ang panahon ng kampanyahan at ang mga Bokal ay inihahalal ng buong Probinsya. Mahirap noon dahil ang Batangas ay may 32 bayan at 2 lungsod, samantalang 27 na araw lamang ang kampanyahan. Hindi lamang iyon, lahat ng sundalo sa Southern Luzon ay sa Lipa City pinaboto laban sa amin. At binibilang na ang boto ay inaagaw pa ng mga sundalo o Philippine Constabulary ang urna at kinalalagyan ng boto. Pero nanalo pa rin kami ng Tio Ben Medrano bilang Bokal.

Si Nani Perez (kanan) kasama si dating Senador Edgardo Angara (kaliwa) bilang panauhing pandangal sa isa sa mga graduation sa University of Batangas.
Si Nani Perez (kanan) kasama si dating Senador Edgardo Angara (kaliwa) bilang panauhing pandangal sa isa sa mga graduation sa University of Batangas.

Noong pumili ng apat na maaaring ilaban na Assembly sa Regular Batasang Pambansa para sa lalawigan ng Batangas ay kami ng Tio Ben ay kasama sa pinagpilian ng mga maaaring kandidato laban sa grupo ni Marcos. Ang Assemblyman noon ay katumbas ng Congressman at Senador ngayon. Walang Senador noon dahil unicameral ang parliament or Batasan natin.

Ang gusto ng Tio Ben ay kaming dalawa ang mapasama sa magiging kandidato subalit noong malaman namin na isa lamang sa amin ang maaaring lumaban ay sinabi ko kay Tio Ben na siya na ang lumaban. Ang sabi ng Tio Ben ay ako na raw ang kumandidato sapagkat bata pa ako at marami pa akong magagawa sa bayan. Nanalo naman ako.

Utang ko kay Tio Ben ang aking pagiging mambabatas kung saan ako nakilala sa buong bansa hanggang maging kasapi ako ng Gabinete ni President Cory Aquino.

(Nagpapasalamat po tayo kay Nani Perez sa kanyang kwento tungkol kay Bienvenido “BR” Medrano na kinikilala bilang isa sa mga matatag na nagtaguyod sa bayan ng Ibaan. Ganun din sa pamilya Reyes-Rivera-Miñas sa mga lumang larawan ni dating Punong Bayan Pedro Reyes kasama si Bienvenido Medrano.)

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s